Ang Tunay na Pilipino ay si Emily.
Madilim ang paligid ng gabing iyon habang binabaybay namin
ang mahabang daan patungo sa aking tirahan. Siksikan ang FX-Taxi na aking
nasakayan kung kaya bawat ingay na malilikha sa loob nito ay dinig ng lahat. Sa
likod ako napunta habang may katapat na babaeng nakakulay puting damit. Sa
gilid naman ng aking upuan ang dalawang babae na tila ngayon lang nagkita sa
sarap ng kwentuhan. Dito ko napatunayan na tunay nga silang Pilipino.
Kasalukuyan naming tinatawid ang delikadong highway kasabay ng biyaheng langit
na patakbo ni Manong Driver at dito ko nakilala si… itago na lang natin siya sa
pangalang Emily.
Emily – isang hindi katandaan na babae, mula sa Pasay at mabait na
mamamayang Pilipino (sabi niya). Katabi naman niya sa gawing kanan ang
matandang babae na hindi din kagandahan na parehas pa lang patungo sa Simbahang
may ilaw sa itaas dito sa PaQ. Habang patuloy ang ikot ng gulong ng sasakyan,
ay patuloy din ang pag-rolyo ng kwentuhan ng dalawang matanda. Dito ko napatunayan
na Chismoso pala ako. Ayaw ko man pakinggan ang kanilang kwentuhan, patuloy pa
din sumisiksik sa dawalang butas ng aking tenga ang kanilang boses na tila mo
may recollection. Sa pagkakataong ito, nakisawsaw na din ako sa kanilang
chismisan sa pamamagitan ng pakikinig. Una nilang pinagusapan ang Kahirapan.
Madaming pinoy ang naghihirap
dahil sa KAHIRAPAN.
Natawa ako ng madinig ko ang katagang ito. Parang may mali sa sinabi
niya subalit nagpaliwanag siya sa babaeng hindi kagandahang katabi niya. Sa
tuwing pupunta daw siya sa Baclaran ay naaawa siya dahil sa mga nakikita niyang
Illegal Settlers (squatters lang yan. Pinasosyal lang) na tila ang tanging
libangan lang ay ang pag-tooo-too-toooot. (Rated PG). Ang mga mahihirap ay
lalong naghihirap dahil pagsapit ng gabi ay wala naman silang trabaho
pagkatapos nakisabay pa ang panahon kapag malamig na waring nagtatawag ng
toooooot tooooot. *Ching! Welcome bunso, welcome to the family (again n again).
Populasyon daw ang problema.
Ang buhay ay isang LARO lamang.
Minsan daw sa buhay ni Emily, hindi pumasok sa isip niya ang magnakaw.
Sa panahon daw ngayon wala ng sinasanto ang masasamang tao. Iphone 4s, Sonny
Vaio, Galaxy Tab, LV Bag, etc. ang magiging sanhi ng iyong maagang pagkamatay. Sa katunayan nga, habang
binabasa mo to, may isa na namang nakuhanan ng gamit sa EDSA ng dalawang
lalaki. Ang buhay ay parang isang laro lamang. Kaylangan mong gampanan ang
iyong tungkulin sa pakikibakang ito. Sa Hunger Games lang naman uso ang
PAGMAMAHAL na kung saan pagdating sa dulo ay mas gugustuhin pa niyang mamatay
sila parehas kesa manalo. E ngayon, lahat ng tao nakikipagpatayan makapasok lang sa show ni Willie Revillame sa
TV 5 upang manalo ng kaunting salapi, isang KEMBOT (literal) lang.
Hindi sapat na mabait, dapat ay
maging MABUTI ka.
Ayoko din maniwala sa mga pinagsasabi niya. Para kasing scripted na, or
gusto lang talaga niyang tumakbong Konsehal sa 2013. Pero nagulat ako ng
malaman kong active daw siya sa simbahan at kung ano ano pang samahan na
kinabibilangan ng mga taong simbahan. Sa buhay daw niya ngayon, madami na
siyang napuntahang bansa at nakita niya ang kahalagahan ng pagiging mabait.
Gustong gusto daw niyang tumulong sa mga taong higit na nangangailangan subalit
kulang pa daw ang kanyang kayamanan para tugunan ito. Nakwento tuloy niya ang
kanyang karanasan noong nakaraang buwan ng nagpunta siya sa hearing ni Corona.
Nagagalit siya dahil ang bobo daw ng mga senador natin dahil away sila ng away
doon e mayaman na daw sila. Bakit daw hindi nalang pagtugunan ng pansin ang mga
pangangailangan n gating kapwa mamamayang Pilipino? May point talaga si Emily
sa mga sinabi niya. Pero parang nahahalata na ata niya na nakikinig ako.
Lahat naman ng bagay ay
natututunan.
Biglang naiba ang daloy ng kwentuhan (chismisan) ng dalawang babae.
Napunta ang kanilang atensyon sa mga studyante sa kolehiyo dito sa ating bansa.
Biglang natanong ni Emily kung kaya daw bang gawin ng isang tao na hindi naman
nakapag-aral ang isang gawain sa opisina (ex. Sa government) kumpara sa isang
college graduate na nag-aral nga ng kursong pang medisina pero nasaan? Nasa
call center. Sa sobrang dami daw ng graduate ngayong taon, halos 30% lang daw
ang may trabaho na. Mapalad ako kasi isa naman ako sa 30% na iyon. Natawa ako
at gusto ko na talagang sumabat sa kanilang usapan. Dinagdag pa ni Emily na
lahat naman daw ng bagay ay natututunan.. napag-aaralan. Huwag lang daw natin
hayaan limitahan ang ating sarili sa mga bagay na nakasanayan na.
Sa sobrang tagal ng kanilang kwentuhan, natanong tuloy ni Emily sa katabi
niya kung malapit na nag simbahan na kanilang pupuntahan. Basta daw makakakita
siya na krus na mataas na may ilaw. Malayo na ang FX subalit wala pa din ang
krus. Naglakas na ng loob si Emily sa driver na magtanong. OOOOOOOPPPPPSSSS.
Lumagpas na po kayo. Di ko mapigilan ang tawa ko at gusto kong sabihin na,
ayan.. chismis kasi. Pero wala na din ako nagawa dahil ang dami ko din
natutunan sa mga kwentuhan nila. Ewan ko ba kung tao talaga sila o isa sila sa
mga Wako Wako na pinadala para sa akin at maisulat ko itong blog post na ito.
Masaya ako dahil kahit sa simpleng paraan, may sense pa rin pala ang mga Pinoy.
Yun nga lang.. mag-ingat sa susunod. Baka lumagpas ka dahil sa sobrang
lumalabas sa iyong bibig.
Hindi masama ang mangarap. Walang mali sa pagiging tama. At higit sa
lahat, tayo ay nabubuhay dito sa lupa ng pantay-pantay, may pinagkaiba man sa
anyo at kulay, tayong lahat ay si Emily.
Emily.
Isang tao na gustong matuto, pero ayaw pa din tigilan ang Lotto.
Isang tao na gustong magbago, pero ayaw lubayan ang bisyo.
Isang tao na ayaw matalo, pero walang ginagawa para manalo.
Isang tao na gustong umasenso, pero ayaw naman itigil ang maling
kwento.
Isang taong gusto ng progreso, subalit wala naman plano.
Ikaw. Ako. Tayo. Isa ka bang
tunay na Pilipino?
PS. PaQ means Paranaque. :)
CONVERSATION